Sunday, November 3, 2013

Ang Kuwento ng Danggit.

Pagmumuni-muni ko ukol sa Daang Pinili kong Tahakin.


Paglapag ko ng eroplano sa Mactan, dali-dali kong sinabi sa social media na ako'y naroon na sa Cebu upang dumalo sa National Thanksgiving Mass alay sa bagong Pilipinong Santo, si San Pedro Calungsod. Noong mga oras ding yaon, gising pa ang aking kaibigang si Jo Idris na nasa Marikina kaya't nagpadala ng comment na pasalubungan ko raw siya kahit na danggit. May ilan pang nagsabi ng pasalubong kaya't inobliga ko ang sariling makabili ng pasalubong bago umuwi.

Sa Cebu, nalibot ko ang Basilica Minore del Señor Sto. Niño, Metropolitan Cathedral of Cebu at ang bagong simbahang alay kay San Pedro Calungsod sa may baybayin ng Cebu City. Sa dalawang araw na pagbabakasyon at pagbisita sa mga simbahan, naidulog ko sa Imahen ng Sto. Niño at kay San Pedro Calungsod ang hangarin kong makapaglingkod sa bayan ng Diyos. Hindi ko pa alam noon kung paano. Basta humingi ako sa kanila ng tulong upang matahak ko yung tamang landas. Hindi ako nagkamali ng pinagdasalan. Sapagkat pagbalik ko ng Marikina, may naihanda na palang daan ang Diyos na hinihintay Niyang piliin ko't tahakin.

Bitbit ang supot ng danggit at dried mangoes, tinungo ko ang bahay nina Jo Idris. Sa pagkakaalala ko, kinailangan kong bumaba sa plaza ng Kapitan Moy dahil kakatagpuin ko rin ang kaibigang si Abi. Mula roon saka kami tutungo sa San Roque. Di pa kalayuan ang nalalakad, nakatanggap ng text si Abi mula kay Jo Idris na nagsasabing wala sila sa bahay. Naroon sila sa Simbahan ng OLA, dun lamang sa tapat ng Kapitan Moy. Kaya pumihit kami ng paglalakad pabalik sa simbahan. Doon namin nakasalubong ang kaibigan din naming si Jerome, pauwi na yata ng bahay. Niyaya namin siya ni Abi na sumama rin sa amin, kapalit ng paghahati-hatian nila ang pasalubong kong danggit. Pagpasok sa simbahan, naroon nga si Jo Idris, ang kapatid niyang si Matthew at mga kasamahan nila sa Obreros de la Nuestra Señora de los Desamparados, isang organisasyon ng mga kabataang lalaki na nangangalaga at nagpapalaganap ng debosyon kay OLA, ang Birhen ng Marikina. Iaabot lang sana namin ang supot ng pasalubong nang sabay yayain kami ni Jo Idris na sumama sa kanila sa pagrorosaryo. Araw iyon ng Lunes, magsisiyam na ng gabi. 

Wala kami noong dalang rosaryo kaya't pinahiram nila kami. Sumabay kami sa pagsagot, halinhinan sila sa pagbasa ng dasal o dalit sa Ina ng mga Walang Mag-ampon. Pagkatapos ng pagdarasal ng rosaryo, nagsiuwian na rin kami. Niyaya nila kami ulit na sumama sa pagrorosaryo sa susunod na Lunes. 

Sumunod na Lunes, kagagaling ko naman sa Baguio, nagdala ulit ako ng pasalubong na peanut brittle at strawberry jam kina Jo Idris, Jerome at Abi. Ganun ulit ang nangyari. Sa simbahan ko sila natagpuan, sumama kami sa pagrorosaryo. Noon din iba na ang pagyaya ni Jo Idris. Hindi lang sa susunod na Lunes kundi sa lahat na ng susunod na Lunes. Noon kami nagdesisyon na sasama na nga kami sa bawat Lunes. Ito yung ikinuwento ko rin sa pinakaunang blog post ko rito. 

Bakit kuwento ng danggit? Galing ako noon sa panahong nakaranas ako ng spiritual dryness. Noong bago magtapos sa kolehiyo, umalis ako't hindi na nakapagparamdam sa Cathechetical Ministry ng aming kapilya. Hindi na ako nakapagserve sa kapilya at nagsisimba na lamang ako. Hanggang sa puntong pati pagsisimba ay kinatamaran ko na. Nabighani ako sa ibang mga bagay. Nalimutan ko nang magsimba tuwing Linggo. Ito yung mga panahong natuyo ang aking pagmamahal at pagsisilbi sa Diyos. Parang danggit.

Nakakaloko ang Diyos, naisip ko. Dahil sa danggit, na inihahambing ko sa aking karanasan, napabalik muli ako sa Kanya. Nahikayat ko pa ang ilan pa sa mga kaibigan. Doon nagsimula ang panibago Niyang pagtawag. Mas malakas. Mas nakakapukaw sa aking isip. Doon ako napabalikwas. Ito yung punto ng panibagong conversion. At malaya ko muling pinili ang inihanda Niyang daan.

Pero minsan akala ko tama na yung daan na inilatag Niya. Akala ko iyon na ang daan na ipinapanalangin ko sa Kanya. Hindi pa pala. Akala namin ni Jerome makakasali na kami sa Obreros. Gusto namin makasali dahil maganda ang kanilang ginagawang paglilingkod. Bukod sa naroon ang aming kaibigan. Hindi pa pala iyon ang nais ng Diyos. Hindi Niya ibinigay, e. Kasi may iba pa palang daan na gusto Niyang tahakin namin. Nung mga panahong wala pa kaming organisasyong masapian sa simbahan, hindi kami nawalan ng ganang magdasal at maglakbay sa piling ng Diyos. Hanggang sa dumating nga itong bagong organisasyon. Hindi nga iyon bago e. Hindi lang basta organisasyon. Isang ministeryong hawig sa ministeryong sinimulan ni Hesus noon. Ministeryong para sa mga kabataan. 

May daan akong tinatahak ngayon dahil minsan sa nakaraan ay nagdesisyon akong piliing tahakin ito. Dahil ito ang sa tingin ko ay daang inilatag ng Diyos para sa akin. Kung tatanungin ako ngayon kung masaya ba ako sa daang tinatahak ko ngayon, ang isasagot ko ay oo. Sapagkat importanteng masaya ka sa daang tinatahak mo. Dahil kung masaya ka, lahat ng bagay na gugustuhin mo ay makakamit mo. Siyempre ibibigay iyon ng Diyos dahil alam Niyang nararapat iyon para sa iyo. At kung tatanungin ako ngayon kung gusto ko bang manatili sa daang yaon o nais ko nang lumihis o mag-iba ng daan, ang isasagot ko ay hindi. Dahil kung masaya ka na sa daang yaon, hindi mo na pipiliing mag-iba pa ng daan. Sapagkat mabulag man tayo minsan sa paglalakad gaya ng dalawang alagad na naglalakad sa Emmaus, naroon pa rin si Kristo - kapiling natin kahit anong oras at kahit saang lugar. Ito na yung daang pinipili ko, kasama ng mga kaibigan ko at mga bagong kakilala. Dahil nagtitiwala ako sa Diyos na sasamahan Niya ako, kaming lahat, sa daang hindi man kami sigurado sa madaratnan ay sigurado naman na Diyos ang aming kasama at patutunguhan.

Marami kaming makakasalubong, makakasama at makakasalamuhang kabataang nakakaranas ng mala-danggit na pananampalataya. Sila ang panata ko - na sa tulong ng Ina ng mga Walang Mag-ampon at sa pananalangin ng mga kabataang Santo gaya ni San Pedro Calungsod - maipapakita ko rin sa kanila ang hiwaga at dakilang misteryo ng pagmamahal ni Kristo. 


P.S. Hindi ko alam kung ano pa ang nais ng Diyos para sa akin. Ano man iyon, dalangin kong iyon ang matupad. Hindi ko naman po tinatalikuran ang tawag Niya para sa hamon ng bokasyon. Sa ilang gabi ko ng pagninilay, tinatanggap ko muna ang pagtawag Niya sa akin sa Parish Youth Ministry. Ilang taon po muna akong maglalaan ng oras at buhay ko sa Ministry na ito. Saka ko sasagutin ang iba pa Niyang tawag. Umaasa akong maiintindihan Niya ako. 

The "new evangelization" is necessary: young people need to encounter God in a personal way, experience a conversion of mind and heart rooted in the ways and teachings of Jesus, and express this choice freely, personally, and consciously. Thus, the most urgent task of youth ministry today is to enable our young people to come to a personal, conscious, and free decision of faith and conversion.


(Mas mahaba kong journal entry ito matapos ang tatlong araw na planning, orientation at team building activities ng aming Parish Youth Ministry na ginanap sa Pililla, Rizal. Maraming salamat sa aking mga kasamahan lalo na si Chairman Paolo, kina Padre Nante at Padre Rommel, at siyempre kay Tita Baby!)

No comments :

Post a Comment