Saturday, February 8, 2014

Paano kung tinatakasan natin ang Diyos?


Alam mo ba ang kuwento ni Jonas?

Marahil alam mo.


Siya yung ipinadala ng Diyos upang magpahayag ng kanyang utos sa mga taga-Nineveh, ngunit ginawa niya ang lahat upang makatakas sa plano ng Diyos. Sumakay siya sa isang barko at naglakbay palayo sa Nineveh. Subalit bago niya napansin, nabalahaw ang barko at umikot patungo sa kabilang direksyon dahil sa lakas ng bagyo. Napilitang itapon ng mga sakay ng barko ang kanilang mga dalahin upang gumaan ang sasakyang pandagat. Nang maisip ni Jonas ang kanyang kamalian, inamin niya ito sa kanyang sarili at nagboluntaryong maitapon din sa dagat kasama ng mga gamit. Sa pagkakataong iyon naisip niyang nagalit ang Diyos sa kanya. Sa pagkakataon ding iyon gumawa ang Diyos ng paraan upang mabago ang takbo ng buhay ni Jonas.


Nagpatuloy ang kuwento ni Jonas sa pagkakakain sa kanya ng malaking isda, hindi nasaktan at napatapon sa baybayin ng Nineveh. Doon siya naniwala na ano mang pagtatago ang gawin niya sa Diyos, hahanapin pa rin siya ng Diyos kahit saan hanggang sa mapagtanto niya na dinadala siya sa lugar kung saan siya tinatawag ng Diyos.


Sinubukang tumakas ni Jonas. Ngunit natagpuan pa rin siya ng Diyos. Mula roon, sinunod na niya ang utos ng Diyos. Pinili niyang maging instrumento ng Diyos para sa mga taga-Nineveh.


Tumatakas din tayo sa maraming pagkakataon. At kapag nakakatakas tayo, akala natin ay maayos na ang lahat para sa atin. Ngunit hindi pala talaga tayo nakalalayo. Malayo pa tayo sa inaasam na kaayusan at kapayapaan. Dahil hahanapin tayo ng Diyos saan man tayo magtungo. Hanggang sa tumimo sa ating isip at damdamin kung nasaan na tayo, kung para saan tayo ipinanganak, at kung para kanino ang bigay sa ating buhay.


Tama yung sinabi ng isang pari sa akin. Na hangga’t wala sa akin ang kapayapaan, na hangga’t walang kapanatagan sa aking kalooban, hindi ko maipapamahagi ang Salita ng Diyos sa iba. Gaya ni Jonas.

No comments :

Post a Comment