Pero iba ang pananaw ni Bp. Francis. At naunawaan ko rin iyon. Kasi kung nagmamahal ka, ibibigay mo ang iyong buong sarili para sa minamahal mo. Sapagkat gayon ang pag-ibig na ipinakilala sa atin ni Hesus. Kung umiibig ka, hindi mo mararamdaman ang bigat dahil hindi iyon ang mahalaga. Ang mahalaga ay iyong pag-ibig mo, iyong iniibig mo. Hindi mo iindahin ang sakit o bigat.
Si Hesus mismo ang nagsabi sa atin na siya ang daan. Mahahanap natin ang daan kung susundan natin siya sa bawat pahina ng Biblia. Doon makikita natin siyang patuloy na nakikipag-usap at sumusunod sa kalooban ng Amang nagsugo sa kanya rito sa mundo. Noong parte na ng daan ang paghihirap, hindi nagtanong si Hesus ng "Bakit?" Hindi niya sinisi ang mga nanakit sa kanya. Nagpatuloy siya sa kanyang pananalangin sa halamanan, hanggang dugo ang maging pawis, upang patunayan ang dakilang pag-ibig ng Ama at nagawa niyang mapatawad at hindi magtanim ng galit sa mga nanakit sa kanya. Ito ang daan, at sa pagpapakita niya sa atin ng daan, binigyan tayo ni Hesus ng bagong perspektibo sa mga nararanasan nating paghihirap sa buhay.
Ang tunay na pagbabalik-loob ay ang pagpili sa daan ni Hesus, kung saan tinatanggap natin ang mabubuti at masasakit sa ating buhay at humihingi tayo ng kaunting lakas at pagtitiis at tapang na mapatawad ang mga taong nakasugat sa atin sa buhay. Ang pag-ibig man nila ay limitado at may pasubali, naidadala naman tayo sa paghahanap sa walang hanggan at walang pasubaling pag-ibig. Ang daan ni Hesus ang magdadala sa atin sa disyerto ng paghihirap at pagkabasag upang ating madama ang pag-ibig na laan ng tinatawag nating Diyos, ang kanyang Ama.
Iyon ang punto kumbakit sa nagmamahal ay walang mabigat at walang pabigat. Wala nang pasubali, basta umiibig.