Obreros ang samahan ng Parokya na gusto kong salihan noon. Pakiramdam ko ay namumuo na sa aking puso ang debosyon sa Mahal na Birhen at naniniwala akong sa Obreros ko mapapalalim iyon. Kaya't sumasama ako sa kanilang mga gawain—4th Saturday Devotion, Monday Devotion, Lakbay Dalaw. At noong buksan ang registration at pagsasanay para sa maaaring maging bagong kasapi, siyempre ninais ko ring makasali. Ngunit hindi lang pala ako ang makapagdedesisyon kung para ba sa akin ang nais ko. Makailang ulit akong nagpabalik-balik sa Camarin ng Nuestra Señora de los Desamparados at sa Adoration Chapel, nakaluhod na nagtatanong at humihingi ng sign, "Mama OLA...O Diyos ko...karapat-dapat ba ako..." Ilang araw na discernment.
Laging may posibilidad na mapili at hindi mapili. Na-realize ko, ang Diyos pa rin pala ang nagtatakda kung saan tayo nababagay, kung saan tayo tinatawag para tumugon. Wala na si Hesus sa piling ng mga Apostol noong napili si San Matias na kahalili ni Judas. Ngunit sa Diyos pa rin tumawag si Pedro—Panginoon, nakikilala mo ang puso naming lahat. Ipakita mo sa amin kung sino ang nararapat na maging apostol.
Umatras ako sa aking aplikasyon dahil lumabas sa pagninilay ko na sa ibang Ministry ako tinatawag upang maglingkod. At napapatunayan kong mukhang tama naman ang naging discernment ko. Kahit hindi ako tinawag sa Obreros, araw-araw naman akong tinatawag ng Diyos upang palalimin ang debosyon ko sa Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon. Sa bawat paglalakbay, magrosaryo. Sa bawat 4th Saturday, magsimba at magprusisyon. Ang mahalaga ay sa pag-usad ng panahon, umaalab pa rin sa aking puso ang debosyon sa Mahal na Ina.
***
O Diyos, na nagtalaga kay San Matias na mapabilang sa linya ng mga Apostol, ipagkaloob mo, na sa kanyang pananalangin, maipagdiwang namin ang inilaan mong pag-ibig sa bawat isa at mapabilang din sa iyong piniling mga lingkod. Sa pamamagitan ni Kristo, nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.