Ang tagpuan sa Ebanghelyo ngayon, ang Caesarea Philippi, ay hindi teritoryo ng mga Hudyo. Mas maraming pagano ang nakatira roon. Sa lugar na ito tinanong ni Hesus ang kanyang mga disipulo kung ano ba ang tingin sa kanya ng mga tao. Hindi niya tinanong kung naiintindihan ba ng mga tao ang pangangaral niya kundi kung ano ang pagkakilala sa kanya ng mga iyon. Narinig natin ang sagot ng mga tao: may nagsabing siya si Juan Bautista, o si Elias o si Jeremias at yung ibang walang masagot ay nagsabing isa siya sa mga propeta. (Siyempre alam natin ngayon na hindi lamang Siya isa sa mga propeta.)
Nagustuhan marahil ni Hesus ang sagot ng mga tao. Ngunit nagpatuloy siya sa pagtatanong dahil may nais siyang patunayan. At sa pagkakataong ito, mas mahirap na ang tanong dahil nangangailangan ito ng mas personal na sagot: "Sino ako para sa iyo?"
Marahil natahimik ang mga disipulo, nagsikuhan o nagkatinginan muna—parang mga estudyanteng nangingiming sumagot sa tanong ng guro. Marahil may inaasahan silang may isa sa kanilang grupo ang sasagot sa tanong ni Hesus. Kaya si Simon Pedro, ang itinuturing na lider ng grupo, ay nagtangkang sumagot: "Kayo po ang Mesiyas, ang Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos."
Ikinalugod ni Hesus ang sagot ngunit sinabi niyang hindi kay Simon Pedro o sa talinong taglay ng isang mangingisda o sa tagal ng kanilang pinagsamahan nagmula ang sagot kundi sa kapangyarihan ng Ama. Sa Diyos nagmula ang inspirasyon kaya ganoon ang naging sagot ni Simon Pedro. Mapalad si Simon Pedro dahil nagpakilala ang Diyos sa kanya ng personal.
Kung ako kaya ang tanungin ni Hesus—"Sino ako para sa 'yo?"—paano ko kaya sasagutin?
Marami akong puwedeng isagot: kapatid, kaibigan, kasama, guro, tagapagtanggol, tagatubos ng kasalanan...walang katapusan ang maaaring ilista rito. Subalit may mga tanong na hindi kailangan ng sagot. Minsan, kailangan lang nating pagnilayan kumbakit ba tayo tinatanong dahil doon makikita natin ang kalooban ng nagtatanong. Hindi kailangang sumagot; baka mas kailangan natin ang makinig. Baka mas kailangan nating kilalanin ang nagtatanong kaysa isipin kung ano ang isasagot.
Noong tinanong ng Diyos sina Adan at Eba—"Nasaan kayo?"—hindi Siya nagtatanong kung saang lupalop sila napadpad. Iniimbitahan sila ng Diyos na pagnilayan nila kung nasaan ang kanilang kalooban, kung bakit napalayo sila sa Diyos.
Ganoon din siguro ang paraan ng pagtatanong ni Hesus. Nag-iimbita siyang pagnilayan natin kung sino ba siya sa ating personal na kalooban. Kung nasaan ba si Hesus sa ating mga puso. Malapit ba siya o malayo? O kumbakit tinatanong niya rin tayo kung nakikita ba natin siya sa ating buhay.
Naniniwala akong si Hesus ay buhay at kasama pa rin natin hanggang ngayon. Nararamdaman ko ang kanyang presensya sa pamamagitan ng paggalaw sa aking buhay ng handog niyang Espiritu Santo. Mas mabuti sigurong harapin ang buhay nang kinikilala si Hesus kaysa itigil sandali ang buhay upang maisip kung ano ang isasagot sa tanong ni Hesus. Dahil sa mismong buhay natin makikita si Hesus.
Sa personal na karanasan, naramdaman ko ang misteryong pagkilos ng Espiritu Santo. Isang hapon, habang nagninilay ay natanong ko ang aking sarili, bakit kaya sa tagal ko nang nasa Parish Youth Ministry at sa dalas kong pagpunta sa simbahan, ni hindi ko naramdamang may Vocation Ministry? Siyempre hindi ko iyon masagot, ngunit ipinagdasal kong sana'y makilala ko rin ang mga kasapi ng Vocation Ministry dahil sa likod ng aking isip, ninanais kong makasali roon upang makatulong sa aking paglago bilang kabataang naghahangad mapaglingkuran ang Diyos sa pamamagitan ng pagsagot sa tawag ng bokasyon. Noong gabi ring iyon, may balitang dumating na di ko inaasahan. Sa isang iglap, magbabago pala ang pamunuan ng Vocation Ministry at tinanong ako ni Padre kung maaari kong tanggapin ang isang posisyon doon. Naisip ko, ganoon pala magpakilala ang Diyos. Hindi mo Siya makikita pero mararamdaman mong Siya nga iyon na kumikilos sa aking buhay.
Ito ngayon ang ikalawa at huli kong punto tungkol sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Kalakip ng pagpapakilala ni Hesus ay ang imbitasyong sundan Siya. Nakilala ni Simon Pedro si Hesus kaya tinawag siya upang maging bato na magsisilbing sandigan ng Simbahan. At ang pagtawag ng Diyos ay walang hanggan; hindi matatalo kahit ng kamatayan. Subalit nasa atin ang kalayaan sa pagsagot.
Kaya naman noong ako'y imbitahan ni Padre na maging kasapi ng Vocation Ministry, gaya noong imbitahan niya rin akong tulungan ang Tarcisian Adorers ng simbahan, sumagot ako ng "oo" pagkatapos kong manalangin sa Diyos na tulungan Niya ako sa aking pagsagot.
Patuloy ang pagpapakilala ng Diyos. Patuloy ang pagtawag ng Diyos. Nasa ating mga palad kung kikilalanin natin Siya, at kung papakinggan natin ang tawag Niya. Patuloy tayong magdasal at magnilay upang makilala natin nang lubos si Hesus sa ating buhay. At kung mayroon Siyang ginagawang pagtawag, ipanalangin nating huwag tayong matakot na pakinggan at sundin ang tawag Niya. Amen.
Sunday, August 24, 2014
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment