Hindi ako pumupunta ng simbahan dahil pinilit ako. Hindi ako pumupunta ng simbahan dahil natatakot ako sa impyerno kapag hindi ako pumunta. Hindi ako pumupunta dahil feeling ko banal o relihiyoso ako.
Pumupunta ako ng simbahan dahil gusto kong bigyang-dangal ang Diyos na pinananaligan ko. Para sa akin, talagang naririto ang Diyos gaya ng talagang naririto't nakikita natin ang araw; sa pamamagitan Niya, nakikita natin ang lahat ng bagay. Mararamdaman ang presensya ng Diyos sa marahang ihip ng hangin, sa paboritong kanta, kahit sa biglang sumusulpot na advertisement sa YouTube (pero hindi nakakainis ang Diyos). Pumupunta ako sa simbahan upang manalangin at magpuri sa Diyos kasama ang ibang tao, dahil hindi ako nag-iisa sa paglalakbay ko sa buhay. Iba't ibang edad, lahi, mukha at mga paniniwala sa buhay ang pinagsasama't pinag-iisa ni Hesus, na siyang tunay na nagmamahal maging sino man tayo.
Higit sa lahat, pumupunta ako ng simbahan upang tanggapin ang Eukaristiya - ang Katawan at Dugo, Espiritu at Kabanalan ni Hesus. Inaalala ko ang pagmamahal ni Hesus, maging hanggang sa kanyang kamatayan. Sobrang hinahangad ko laging makatanggap ng Komunyon; hindi lang siya basta wafer kundi tunay na presensya ni Hesus sa anyo ng tinapay. Sa pagdiriwang ng Banal na Hapunan laging nasa ating piling ang Diyos.
Inaanyayahan ko kayo, maging Katoliko man o hindi, na magtungo ngayong Linggo sa inyo-inyong simbahan. Hayaan ninyong kausapin kayo ng Diyos, sa pinakakakaibang paraan. Mahalin natin ang mga paniniwala't tradisyon ng mga Kristiyano. Tayo'y mga anak ng iisang Diyos. At dahil sa pagpapadala ng Diyos sa Banal na Espiritu, tayo ngayon ay napagsasama't napag-iisa.
Maligayang Araw sa Banal na Simbahang Katolika! Ang kaisa-isa, tunay na apostolikong Simbahang itinatag mismo ni Hesus.
Sunday, June 8, 2014
Dahilan kumbakit pumupunta ako ng simbahan.
Labels:
church
,
essay
,
introspection
,
pagmumuni-muni
,
Pentecost
,
reflection
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment