Saturday, May 31, 2014
Aba Ginoong Maria.
ABA GINOONG MARIA. Sa aking palagay, malamang ito ang isa sa mga unang panalangin itunuro sa atin ng ating mga magulang. Isang panalanging ipinasa sa ating mga lolo at lola, ng kanilang mga lola at lolo. Ilang beses ko na rin kasing nasaksihan ito sa aming parokya. Kung paano itinuturo ng isang ina o isang ama ang panalanging ito sa kanyang anak. Bago umalis ng bahay at pumasok sa paaralan. Bago kumain ng hapunan matapos maglaro. Bago matulog matapos gawin ang assignment.
Malamang, unang nagisnan din natin ang panalanging ito mula sa mga madre at mga katekista. Sa unang pagtanggap natin ng mga sakramento ng simbahan. Sa binyag. Sa unang kumpisal. Sa ating first communion. At tila nga nakagisnan na rin natin ang panalanging ito sa iba’t ibang panahon ng ating simbahan. Tuwing Oktubre. Tuwing Pasko at Bagong Taon. Tuwing Biyernes Santo at Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Madalas nga, hindi tayo malay na isinasambit na pala natin ang panalanging ito sa samu’t saring ritwal nating mga Pinoy. Bilang panghele sa anak. Habang nagbabantay sa ospital. Habang nakasakay sa FX papuntang opisina. Madalas, nananalangin tayo sa ating Mahal na Ina, kung may hinihiling tayo. Bago tayo mag-abroad para magtrabaho ay dinadalaw natin siya sa Antipolo. Bago tayo mag job interview ay nagno-nobena tayo sa Baclaran. Bago tayo mag-board exam ay dumadayo pa tayo sa Manaoag.
Napapansin ko nga, madalas may mga rosaryong nakatago sa ating mga bulsa. Lalo nga itong patagong nakalihim sa bulsa ng mga kalalakihan o lantaran na ring nakasabit sa mga motorbike. Ginagamit man natin itong agimat o panlaban sa masama. Ito ang ating dala-dala, construction worker man tayo sa site o sales lady sa isang department store. At inilalabas mula sa taguan at idinadasal habang nakatirik ang dyip sa trapik. O di naman kaya’y kung tayo ay pauwi na, sakay sa MRT.
At madalas kung tayo’y nagkaka-krisis bilang pamilya o sambayanan, ito ang panalanging paulit-ulit nating binabanggit. Nakakailang Aba Ginoong Maria kaya ang isang ina habang hinihintay ang resulta ng kanyang biopsy test? Nakakailang Aba Ginoong Maria kaya ang isang tatay habang isinusugod ang anak na naaksidente at duguan? At nakakailang Aba Ginong Maria kaya ang isang binata habang hinihintay niya ang sagot ng kasintahang nililigawan?
At kung titingnan natin ang kasaysayan ng ating bansa, ilang daang Aba Ginoong Maria kaya ang isinamo ng mga katipunero para makamit ang kalayaan? Ilang daang Aba Ginoong Maria kaya ang ipinalangin ng mga gerilya sa gitna ng digmaan? At ilang libong Aba Ginoong Maria kaya ang isinamo sa EDSA noong 1986 at 2001 sa gitna ng di katiyakan at pag-aalinlangan?
Kung ito ang panalanging ating unang natutunan, tila ito rin ang huling panalanging ating isinasambit sa bingit ng kamatayan. Nabalitaan natin noon kung paano yumao si Pangulong Cory Aquino. Sa ikalimang misteryo ng hapis, huling huminga raw ang ating mahal na Pangulo. At sa mga sumunod na araw, ating nasaksihan kung paano inihatid ng panalanging ito si Tita Cory mula simbahan hanggang sa kanyang huling hantungan.
Bakit kaya malapit sa ating mga puso ang panalanging ito? Sa aking palagay, may tatlong dahilan kung bakit nakagisnan at nakaukit na sa ating mga puso ang panalangin ni Maria. Unang dahilan: dahil sa biyaya at pangako. Ikalawang dahilan: dahil sa galak at pasasalamat. At ikatlong dahilan: dahil sa pagsamo at pagapapaubaya.
At habang patuloy nating dinarasal ang Aba Ginoong Maria, mamumulat tayo na lalalim ang ating pananampalataya, pag-asa at pagmamahal. Sa gitna ng biyaya at pangako, namamayani pala ang pananampalataya. Sa gitna ng galak at pasasalamat, matatagpuan pala ang pag-asa. At sa gitna ng pagsamo at pagpapaubaya, magwawagi pala ang pagmamahal.
Kaya naman, hanggang may isang batang nagdarasal ng Aba Ginoong Maria nang buong pananampalataya, malalampasan natin ang disyerto at makakamit natin ang lupang pangako. Naniniwala akong hanggang may isang binatang nakaluhod at nagdarasal ng Aba Ginoong Maria, may pag-asa pa rin ang ating bayan. At hanggang may isang lolo na nagdarasal ng Aba Ginoong Maria sa tabi ng kanyang irog, limampung taon na ang nakararaan, mamamayani pa rin ang pagmamahal natin sa kapuwa at sa bayan.
Kaya marahil sa kasaysayan ng ating mga pamilya at sa kasaysayan ng bayan, tugmang-tugma ang panalanging ito. Sa panahon man ng kagipitan at di katiyakan, nariyan ang ating Mahal na Ina. Akmang-akma ang panalanging ito, maging isa man tayong sundalong isinabak sa Mindanao, o isang pulis na gustong manatiling tapat kahit corrupt na ang hepe ng kanyang himpilan. Tugmang-tugma ang panalanging ito, maging estudyante man tayo ng Ateneo, taas-noong inaawit pa rin ito sa gitna ng pagkatalo o di kaya’y isang sastre sa Sapang Palay, tuwang-tuwa na nakapasa ang kanyang anak sa UP. At masasamahan tayo ng panalanging ito sa gitna ng kadiliman at kahirapan. Sa simbahan na matatagpuan sa tagpi-tagping barung-barong sa Navotas na malapit nang ma-demolish. O di kaya’y sa mga nagsisilakihang mga simbahan sa Roma at Milan, punung-puno ng ating mga kababayang sabik umuwi dahil malayo sa mga pinanggalingan. Mapapasaatin ang panalanging ito sa gitna ng paghahanap natin ng kasagutan sa napakasalimuot na suliranin ng ating bayan. Sa gitna ng mga tanong na tila walang kasagutan.
Batid kong lahat tayo ay may mga ipinapanalanging mga biyaya at pangako. Batid kong lahat tayo ay may nais ipaabot na galak at pasasalamat. At batid kong lahat tayo ay may itinatagong mga pagsamo at pagpapapaubaya. Kaya’t sa gitna ng katahimikan at sa gabay ng ating Mahal na Ina, taglay ang pananampalataya, pag-asa at pagmamahal, lagi at lagi sana tayong manalangin:
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya.
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
At pinagpala rin naman ang iyong Anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos.
Ipanalangin mo kaming makasalanan.
Ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.
Labels:
Aba Ginoong Maria
,
Catholic faith
,
devotion
,
essay
,
feast
,
Hail Mary
,
ola
,
Our Lady of the Abandoned
,
pagmumuni-muni
,
rosary
,
Virgin Mary
,
Visitation
Sunday, May 11, 2014
Panalangin sa Araw ng mga Ina
Diyos na pinagmumulan ng Buhay
Diyos ng mga babaeng banal tulad nina Sara, Ruth, at Rebecca.
Diyos ni Elisabet na ina ni Juan Bautista
Diyos ng Mahal na Birheng Maria na ina ng iyong Anak na si Hesu-Kristo,
dinggin po ninyo ang aming panalangin, at pagkalooban ng pagbabasbas
ang lahat ng mga ina at lolang natitipon sa lugar na ito.
Basbasan mo po sila ng lakas na nagmumula sa iyong Banal na Espiritu
sapagkat sa pamamagitan nila natutunan ng mga anak at apo
kung paanong tumayo at lumakad,
kung paanong magsalita at maglaro,
at kung paanong makalapit sa Iyong banal na harapan
sa pamamagitan ng tapat na pananalangin.
Pagkalooban mo po sila ng biyayang makiisa sa Iyong Banal na Hapag
at matanggap ang Pagkaing nagbibigay buhay
sapagkat sila ang mga nagtaguyod at nagpakain sa amin
at sila din ang nagturo sa amin kung paanong itaguyod ang aming mga sarili
at ang aming mga pamilya.
Pagkalooban mo po sila ng kalusugan at kapayapaan,
ng galak at kaligayahan,
at ng pagkakataong kami’y kanilang maipagmalaki bilang mga anak.
Pagkalooban mo din po sila ng mga kaibigang mananatiling tapat
upang kanilang patuloy na madama ang Iyong pagkalinga’t pagmamahal.
Gayundin aming isinasama sa panalangin ang mga babaeng walang nakakaalaala
lalo na ang mga tahimik na itinataguyod ang kanilang pamilya,
naglilingkod ng may kababaang-loob, at nagtitiis ng hirap sa buhay para sa kapakanan ng kanilang asawa’t mga anak.
Kaya ang aming hiling, O Diyos ng kadalisayan,
na ika’y manahan sa aming lahat na naririto,
sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Ina ng mga Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami.

Subscribe to:
Posts
(
Atom
)